Pagpapatupad ng SSS mandatory contribution sa mga OFWs, inalmahan

Manila, Philippines – Tinuligsa ni Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate ang Social Security System (SSS) sa pagpapatupad ng mandatory contribution sa mga OFWs at sa nakaambang na dagdag na kontribusyon sa Abril.

Paliwanag ni Zarate, hindi pantay-pantay ang kalagayan ng mga OFW sa iba’t-ibang bansa kaya dapat na voluntary basis lamang ang membership sa SSS at hindi sapilitan.

Dahil wala pa namang bilateral labor agreements ang Pilipinas sa mga host countries na pinagtatrabahuan ng mga OFWs ay sasaluhin ng mga domestic workers ang premium contribution kada buwan na P2,400.


Hindi rin sang-ayon ang kongresista sa panukalang babayaran muna ng OFW ang kanyang SSS bago umalis ng bansa gayong wala pa naman kinikita ang mga ito sa kanilang trabaho.

Pinayuhan ni Zarate ang SSS na ang pinakamagandang gawin ay ayusin ang kanilang koleksyon at habulin ang mga delinquent employers na hindi nagre-remit ng SSS ng mga empleyado sa halip na pahirapan ang mga OFWs.

Facebook Comments