Pagpapatupad ng travel restrictions sa bansa, ipinanawagan sa pamahalaan kasunod ng mabilis na pagkalat ng bagong strain ng COVID-19 sa UK

Nanawagan ngayon sa pamahalaan ang ilang health expert na magpatupad na ng travel restrictions ang Pilipinas kasunod nang nadiskubreng bagong strain ng COVID-19 sa United Kingdom.

Ayon kay Dr. Tony Leachon, dating adviser ng National Task Force Against COVID-19, maaari nang magpatupad ang bansa ng border control kahit isang linggo lamang habang hinihintay ang pahayag ng World Health Organization sa bagong strain ng virus.

Giit nito, huwag nang hayaan na maulit pa ang nangyari noong Pebrero na nakapasok na sa bansa ang COVID-19 bago pa nagpatupad ng travel restrictions ang pamahalaan.


Babala ng public health expert, ang bagong strain ng virus na nakita sa United Kingdom ay itinuturing nang “out of control” kung saan nasa 70 percent ang transmissibility rate nito.

Una nang sinabi ni Department of Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi na kailangang pang magpatupad ng travel restrictions ang bansa dahil mahigpit naman ang kanilang pagbabantay.

Nabatid na nagpatupad na ang maraming bansa sa Middle East at Europe ng travel restriction laban sa UK dahil sa bagong strain ng COVID-19.

Facebook Comments