Pagpapatupad ng water prepaid metering option, iminungkahi ng isang kongresista

Sa harap ng nakaambang krisis sa tubig dahil sa El Niño ay iminungkahi ni Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon Party-list Representative Bernadette Herrera ang pagpapatupad ng water prepaid metering option.

Suhestyon ito ni Herrera sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS sa mga water districts, at water concessionaires sa buong bansa.

Layunin ng mungkahi ni Herrera na matulungan ang lahat lalo na ang mga mahihirap na makatipid sa tubig at makatipid din sa bayarin kung saan hindi sila makakaranas ng bill shock.


Paliwanag ni Herrera, sa prepaid metering ways of payment ay mas makakapagplano ang mga consumer dahil kung ano lamang ang dami ng tubig na sa tantya nila ay kanilang magagamit ay iyon lamang ang bibilhin nila ng prepaid.

Bukod dito ay iminungkahi rin ni Herrera ang paggamit sa bahagi ng calamity funds para sa pagde-deploy ng mas maraming water tankers, lalo na sa mga liblib at matataas na lugar na kadalasang nakararanas ng kawalan o mahinang suplay ng tubig.

Facebook Comments