Manila, Philippines – Aalisin na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang “window hours” sa lahat ng kalye sa Metro Manila.
Ibig sabihin, wala na ang palugit na ilang oras kung kailan maaaring bumaybay sa kalsada ang mga sasakyang sakop ng number coding.
Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, pag-iisahin na nila ang “no-window hours” scheme sa mga lugar sa Metro Manila na nagpapatupad ng number coding para hindi na magkalituhan ang mga motorista.
Sa ilalim ng bagong scheme, bawal nang dumaan sa mga national, circumferential, radial at major thoroughfares ang mga motoristang may plaka na akma sa coding o Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) simula alas-7 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi.
Pero hindi kasama rito ang mga lungsod na hindi nagpapatupad ng coding scheme gaya ng Navotas, Pateros, Taguig, Marikina at Muntinlupa.
Umaasa ang MMDA na sa susunod na linggo ay plantsado na ang mga patakaran ng kada Local Government Unit (LGU) para maipatupad na ito sa Metro Manila.