Nanawagan si Senator Grace Poe sa mga ahensiya ng pamahalaan na pangunahan ang pagpapatupad ng makabuluhang work-from-home arrangements para sa mga manggagawa nito sa gitna ng lumalalang problema sa transportasyon.
Sabi ni Poe, maaaring ipatupad ang flexible work arrangement nang hindi makokompromiso ang paghahatid ng mabilis at maaasahang serbisyo sa lahat ng mamamayan.
Panawagan ito ni Poe matapos magpalabas ang Civil Service Commission o CSC ng bagong polisiyang nagtatakda ng adaptable set-up sa gobyerno sa pagtahak sa bagong normal.
Ayon kay Poe, sa nabanggit na polisiya ay binibigyang daan ng CSC ang mga work arrangement tulad ng flexiplace, compressed work week, skeleton force, work shifting, flexitime o mga kumbinasyon nito.
Giit ni Poe, kailangan din ng ating mga manggagawa sa pamahalaan ng sapat na suporta sa pagharap sa tumataas na presyo ng pangunahing bilihin at kulang na pampublikong transportasyon.