
Muling tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ipinatutupad nang maayos ang zero billing program sa mga pampublikong ospital matapos magsagawa ng inspeksyon sa East Avenue Medical Center ngayong umaga.
Ayon sa pangulo, mahalaga ang regular na pagbisita sa mga ospital upang matiyak na ang lahat ng pasyente ay nakikinabang sa zero balance billing.
Mula nang ianunsyo ito sa kaniyang ikaapat na SONA, mahigit 12,000 pasyente na ang nakinabang sa Department of Health o DOH Eastern Visayas Medical Center, habang nasa 2,400 pasyente naman sa East Avenue Medical Center.
Kasabay nito, tiniyak ng DOH na pinatutupad na sa lahat ng 83 ospital na pinatatakbo ng DOH ang programa.
Paliwanag ng pangulo, bagama’t iba-iba ang kaso at PhilHealth contributions, nananatiling prinsipyo ng programa na walang ilalabas na dagdag gastos ang pasyente at pamilya nito.
Nagpasalamat din ang pangulo sa dedikasyon ng mga healthcare workers kahit lagpas sa oras ng kanilang duty, at hinikayat ang publiko na ipakalat ang impormasyon upang mas marami pang Pilipino ang maengganyong magpagamot.









