PAGPAPATUPAD NG ‘ZERO TOLERANCE’; LABAN SA INDISCRIMINATE FIRING NGAYONG HOLIDAY SEASON, PINAIGTING NG PRO1

Mahigpit na ipinatutupad ng Police Regional Office (PRO) 1 ang polisiya nitong “Zero Tolerance, Zero Excuses” laban sa indiscriminate firing o walang ingat at ilegal na pagpapaputok ng baril upang matiyak ang kaligtasan ng publiko ngayong holiday season.

Ayon sa pulisya, bahagi ito ng pinaigting na kampanyang “Ligtas Paskuhan” sa buong rehiyon.

Binigyang-diin ng pamunuan ng PRO 1 na nananatiling epektibo ang “One-Strike Policy,” kung saan ang sinumang lalabag sa kautusan ay agad na pananagutin, kabilang ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) na mapapatunayang sangkot sa paglabag.

Bilang pagniniguro sa maayos na pagpapatupad nito, inatasan ang lahat ng unit commanders ng PRO 1 na maging mapagmatyag at mahigpit na bantayan ang kanilang mga tauhan.

Ayon sa pulisya, layunin nito na maiwasan ang anumang insidenteng maaaring magdulot ng panganib sa buhay.

Muling iginiit ng PRO 1 na ang paggamit ng service firearm ay mahigpit na limitado lamang sa pagtupad ng opisyal na tungkulin at hindi dapat gamitin sa anumang personal o hindi awtorisadong gawain.

Facebook Comments