Pagpapatupad sa ‘Child Restraint System’ sa Private Vehicle, ‘Di pa tiyak ng LTO Region 2

Cauayan City, Isabela-Hindi pa tiyak ng Land Transportation Office (LTO) ang pagpapatupad sa batas na sasakop sa kapakanan ng mga bata habang sakay ng pribadong behikulo o ang RA 11229 (Child Safety in Motor Vehicles Act).

Sa panayam ng iFM Cauayan kay Manuel ‘Manny’ Baricaua, Regional Administrator- LTO2, sa kasalukuyan ay gumagawa pa ng hakbang ang ahensya na siyang tatao sa isang partikular na lugar upang maipatupad ng maayos ang Child Restraint System in Motor Vehicles.

Aminado rin ang opisyal na may kakulangan pa sa pagpapatupad nito lalo pa’t wala pang mabibiling upuan sa merkado na siyang ikakabit sa loob ng mga sasakyan.


Ayon kay Baricaua, may tatlong sukat ang Child Restraint System depende sa edad at kaha ng isang bata.

Nakasaad aniya sa batas ang pagbabawal sa pag-upo sa harap ng sasakyan ng mga edad 12 pababa.

Samantala, paiigtingin naman ng LTO ang kaalaman ng mga indibidwal na kukuha ng lisensya upang maituro sa mga ito ang iba’t ibang batas patungkol sa trapiko.

Nilinaw din ng opisyal na hindi maaaring i-align ang mga sumailalim sa driving practical course mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) dahil hindi ito kikilalanin ng LTO sa pagkuha ng lisensya, tanging mga accredited driving school lang ang kanilang kikilalanin.

Inihayag rin ni Baricaua ang planong pagpapatupad ng 10-year driver license validity ngunit ito ganun kadali para sa mga nagnanais na ma-avail ang naturang plano.

Hihintayin nalang aniya ang full-implementation ng Land Transportation Management System (LTMS) kung saan mapapabilang na rin ang mga mahuhuling lalabag sa batas trapiko mula sa bawat bayan at siyudad sa bansa.

Facebook Comments