Pagpapatupad sa No Segregation, No Collection Policy, Mas Pinahigpit ng Cauayan City, Isabela!

*Cauayan City, Isabela- *Mahigpit na ipinapatupad ng City Environmental and Natural Resources Office o CENRO ng Cauayan City ang “No Segregation, No Collection” Policy.

Ito ang ibinahaging impormasyon ni Engr. Alejo Lamsen, ang pinuno ng CENRO Cauayan na nabigyan na umano ng direktiba ang mga Solid Waste Enforcement Patrol Technician o SWEPT Members upang magmonitor sa kanilang barangay hinggil sa kanilang ipinapatupad na tamang paghihiwalay sa mga basura.

Aniya, inumpisahan na ito noong nakaraang buwan subalit mangilan-ngilan pa lamang umano sa mga Cauayenos ang sumusunod sa nasabing pulisiya.


Ayon pa kay Engr. Lamsen, Kokolektahin lamang umano ang mga basurang nabubulok sa tuwing araw ng lunes, miyerkules at biyernes, kokolektahin naman ang mga hindi nabubulok sa araw ng Martes at Huwebes at sa araw ng Linggo naman ang mga basurang mula sa basag na gamit.

Hinikayat rin ni Engr. Lamsen ang lahat na makiisa sa kanilang programang “Basura Mo, Kapalit ay Bigas” na linisin at ipunin lamang umano ang mga plastic selophanes dahil mayroon umano itong katumbas na isang kilong bigas sa kada dalawang kilo ng mga plastic.

Samantala, ibinida ni CENRO Officer Lamsen na malaki umano ang nakukuhang pakinabang ng mga Cauayenos sa mga basura sa pamamagitan ng kanilang programang WOW Cauayan na ginagawa ng ilang mga residente sa sanitary Landfill ng Lungsod ng Cauayan.

Facebook Comments