Nilinaw ng Malacañang na hindi ipinagbabawal ng batas sa Pilipinas ang pagpapaturok ng bakuna laban sa COVID-19.
Pahayag ito ni Presidential Spokesman Harry Roque matapos aminin ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na nabigyan na ng bakuna laban sa COVID-19 ang ilang gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte at Presidential Security Group (PSG).
Ayon kay Roque, ang tanging ipinagbabawal ay ang distribusyon at pagbebenta ng bakuna.
Aniya, itinurok ang bakuna sa mga sundalong pumayag na magpabakuna.
Hindi rin dapat na ipagkait ang bakuna sa mga sundalo para magkaroon sila ng proteksyon.
Giit pa ni Roque, mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga sundalo sa lipunan lalo na sa pagbibigay seguridad.
Maaaring donasyon umano ang mga bakunang itinurok sa mga sundalo at walang bayad.
Mababatid na sa ngayon, wala pang ibinibigay na otorisasyon ang Food and Drug Administration (FDA) ng Pilipinas sa ano mang uri ng COVID-19 vaccine.