Pagpapaturok ng booster shot matapos na makumpleto ang una at ikalawang dose ng COVID-19 vaccine, “unethical” – DOH

Tinawag na “unethical” ni Health Secretary Francisco Duque III ang pagpapaturok ng booster shot matapos na makakumpleto ng una at ikalawang dose ng COVID-19 vaccine.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ng kalihim na hindi pa naman kailangan ng booster shot kung kakatapos lang magpaturok ng una at ikalawang dose dahil pareho lamang na aabutin ng siyam hanggang 12 buwan ang maibibigay nitong proteksyon.

Bukod dito, wala pa aniyang sapat na datos na nagsasabing mas mapapataas ng booster shot ang immunity ng isang indibidwal.


Giit pa ni Duque, hayaan munang makatanggap ng kumpletong bakuna ang lahat bago pag-usapan ang booster shots.

“Unang-una, ang epekto batay sa mga datos na lumalabas, pwedeng mga 9 to 12 months yung protection from the second dose, so, hindi muna kailangan ng booster dose lalo na kung marami pang mga tao na hindi pa nakakatanggap ni isa,” saad ng kalihim.

“Kailangan hayaan muna natin na makatanggap lahat muna ng hanggang dalawang doses ng bakuna bago pag-usapan yang mga booster, booster… unethical eh,” dagdag niya.

Facebook Comments