Nagbabala si Deputy Minority Leader at Bayan Muna Partylist Representative Carlos Zarate na posibleng malagay sa alanganin ang COVID-19 vaccination program ng pamahalaan dahil ipinapasa sa mga Local Government Unit (LGU) ang halos lahat ng paghahanda sa programa.
Sa isinagawang briefing ng Minorya kasama ang Inter-Agency Task Force (IATF), lumalabas na nakasentro lamang ang national government sa pagpili at procurement ng bakuna pero ang kabuuang implementasyon ng vaccination program ay iiwan sa mga LGU at private sector kung saan kasama rito ang hiring ng personnel at paglalagay ng vaccination sites.
Kung halos lahat aniya ng paghahanda ay ipauubaya sa mga LGU ay hindi malabong magkaroon ng mismanagement at hindi maging epektibo ang ilalatag na programa sa COVID-19 vaccine.
Giit ni Zarate, hindi naman kasi lahat ng LGUs ay katulad ng Manila City, Quezon City at Pasig City na mayroong resources, pondo at nakahanda sa isasagawang immunization program.
Mas marami aniyang local government ang walang kapasidad at kakayahan na magpatupad ng malawakang inoculation program.
Tiyak aniyang mahihirapan ang karamihan sa mga LGU na makamit ang target immunization para sa 50 hanggang 70 milyong mga Pilipino sa katapusan ng 2021 at maaapektuhan dito ang early herd immunity level na nais makuha ng pamahalaan.