Pagpapaunlad ng mga probinsya kasunod ng Balik-Probinsya program, iginiit ng isang kongresista

Iminungkahi ni Albay Rep. Joey Salceda na paunlarin ang mga probinsya kasabay ng gagawing Balik-Probinsya program.

Tinukoy ni Salceda ang tatlong bagay para mahikayat ang mga tao na manatili sa probinsya, ito ay ang mobility, oportunidad at kalidad ng buhay.

Paliwanag ng kongresista, ang repormang itinutulak ng Kongreso lalo na ang Corporate Income Tax and Incentives Reform Act (CITIRA) ay para sa pagpapaunlad ng mga lalawigan.


Nakapaloob kasi sa CITIRA ang pagbibigay ng insentibo sa mga proyekto at negosyong lilipat o itatayo sa mga karatig na lugar ng Metro Manila at sa iba pang mga rehiyon.

Gayundin sa mga mamumuhunan sa agribusiness at magtatayo sa mga lugar na bumabangon mula sa armed conflict o kalamidad.

Kasabay nito’y sinabi ng kongresista na kailangan ring mamuhunan sa technical skills at pagpapabuti ng public education at agricultural modernization.

Palalakasin din ang ugnayan ng urban at rural areas sa pamamagitan ng mabilis na internet sa mga probinsya at pagtatayo ng imprastraktura kabilang ang transportasyon.

Binigyang diin ni Salceda na kailangang i-adopt ng gobyerno ang “build it and they will come” na approach sa Balik-Probinsya.

Facebook Comments