Pagpapaunlad sa Northern Luzon, Patuloy na Tinututukan ng CEZA!

Sta. Ana, Cagayan- Puspusan ang ginagawang pagtutok ng Cagayan Economic Zone Authority (CEZA) sa pagpapaunlad sa buong Northern Luzon sa pangunguna ng bagong talagang Presidential Assistant at CEZA Administrator na si Atty. Raul Lambino.

Batay sa pakikipag ugnayan ng mga local media kasama ang RMN Cauayan kay CEZA Administrator Lambino ang bagong talaga na cabinet secretary bilang Presidential Assistant ng Norther Luzon, ibinahagi nito ang kanyang mga ilalatag na programa at mga proyektong may kinalaman sa pagpapaunlad sa kanyang nasasakupan bilang kung saan ay isa umano itong malaking responsibilidad para sa kanya.

Kabilang sa mga ibinidang tututukan ay ang pagpapaunlad sa ekonomiya at imprastraktura, investment generation, job generation at mabilis na pagbibigay ng magandang serbisyo sa mga mamamayan maging ang pakikiisa sa kampanya ni pangulong Duterte kontra iligal na droga, at pagsugpo sa kriminalidad at kahirapan.


Ayon pa kay CEZA Administrator Lambino, naniniwala umano ito na ang CEZA ang magsisilbing daan tungo sa pagbabago sa pamumuhay ng mga tao lalo na sa Cagayan Valley, Ilocos at Cordillera Region kung kaya’t lalo pa umano niyang ibinibida ang CEZA sa mga investors na mula sa iba’t ibang bansa gaya ng Japan, Korea, China, Taiwan, Hong Kong at iba pang mga bansa na bahagi ng Russian Far East.

Samantala, sa nakaraang sampung buwan ay kitang-kita na umano ang bunga ng pagsisikap at tagumpay ng CEZA sa pagpapaunlad sa kanilang nasasakupan kaya’t lalo pa umano nilang tututukan ang pagpapaunlad sa Northern Luzon.

Facebook Comments