PAGPAPAUSOK SA MGA BARANGAY NA MAY DENGUE CASES, NAGPAPATULOY

Cauayan City, Isabela- Patuloy pa rin ang isinasagawang fogging pagpapausok sa mga barangay na may naitalang kaso ng dengue dito sa Lungsod ng Cauayan.

Sa ibinahaging impormasyon ni POSD Chief Pilarito Malillin, katuwang aniya sila ng Cauayan City Health Office sa pagsasagawa ng fogging sa mga barangay na may kinapitan ng sakit na dengue.

Kabilang na rito ang apat na mga barangay dito sa Lungsod tulad ng Brgy Cabaruan, Tagaran, San Fermin at Minante Uno na binisita at pinausukan ng mga taga CHO at POSD para mapigilan ang pamamalagi at pagdami ng mga lamok.

Ayon kay Malillin, isinagawa ang fogging sa mga business establishments at sa mga kabahayan kung saan labis naman itong ipinagpapasalamat ng mga residente.

Kasabay pa rin ito ng panawagan ng lokal na pamahalaan at ng pamahalaang panlalawigan na sama-samang puksain ang dengue sa nasasakupang barangay.

Muli namang ipinapaalala sa lahat ang mga dapat na gawin sa pagsugpo ng dengue tulad ng palagiang paglilinis ng bakuran para iwas sa pamugaran ng mga lamok, pagpapausok o fogging; at pagkonsulta sa Doktor kung sakaling makaranas ng mga sintomas ng dengue.

Dagdag pa ni Mallillin, mayroon pa silang isusunod na mga Barangay na pupuntahan at pagsasagawa ng fogging para tuluyang masugpo ang nakamamatay na sakit sa Lungsod.

Facebook Comments