Pagpapauwi kay ex-Cong Arnie Teves Jr., minamadali na ng DOJ dahil sa tangkang panunuhol sa mga awtoridad

Minamadali na ng Department of Justice (DOJ) ang deportasyon o pagpapauwi kay dating Negros Oriental Third District Representative Arnolfo Teves Jr.

Kasunod ito ng ulat na sinusuhulan ng anak ng sinipang kongresista ang miyembro ng Criminal Investigation Police sa Timor Leste kapalit ng special treatment sa kaniyang ama na nakakulong.

Ayon sa DOJ, nasa dalawang libong dolyar o katumbas ng mahigit isandaang libong piso ang suhol ng anak ni Teves para sa seguridad nito sa loob at labas ng Becora Prison kung saan siya nakapiit habang naghihintay ng kaniyang deportation.


Inaresto si Teves noong Marso dahil sa INTERPOL Red Notice sa kaniya.

Si Teves ay nahaharap sa patung-patong na kasong korapsyon, pagpatay at una na ring idineklarang terorista.

Hinamon din ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla si Teves na umuwi na at tigilan na ang pagtatago sa batas.

Facebook Comments