Nagpaabot ng pasasalamat si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Indonesian President Prabowo Subianto sa pagpayag na makauwi ng Pilipinas si Mary Jane Veloso, ang Pilipinong OFW na nahatulan ng kamatayan.
Ayon sa pangulo, ang hakbang ng Indonesia ay sumasalamin sa lalim ng ugnayan ng dalawang bansa bilang magkaalyadong nasyon na nagkakaisa sa layunin para sa katarungan at malasakit.
Ngayong buwan ay ipinagdirwang ng dalawang bansa ang ika-75 diplomatic relations nito.
Ang hakbang aniya na ito ay makabubuti hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa pamahalaan ng Indonesia, na matagal nang kabalikat ng Pilipinas at pinakamalapit na kaibigan ng bansa sa rehiyon.
Matatandaang ilang beses nang nagkita ang pangulo at ang bagong pangulo ng Indonesia.
Noong Setyembre ay bumisita na si Subianto sa Malacañang bago pa man maupo sa pwesto.
Personal ding sinaksihan ni Pangulong Marcos ang oath taking at unang talumpati ni Subianto bilang bagong pangulo ng Indonesia noong Oktubre.