Target ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na mapauwi ang higit isang milyong baguhang OFWs sa Middle East.
Ito ang mga manggagawang Pilipinong nagpunta sa gitnang silangan mula 2017 hanggang 2019.
Ayon kay POEA Administrator Bernard Olalia – prayoridad ang mga ito dahil sila ang unang mangangailangan ng tulong.
Karamihan aniya sa mga ito ay mula Saudi Arabia, UAE, Kuwait at Qatar.
Tiniyak ng POEA ang mga pauuwiing OFW sa pamamagitan ng dagdag training at edukasyon at job matching sa bansa.
Tutulak ang mga opisyal ng DOLE at POEA sa Middle East sa susunod na linggo para alamin kung kailangan pang itaas ang alert level sa ibang lugar.
Pinag-aaralan din kung papayagan ang deployment ng mga OFW sa mga bansang malapit sa Iran at Iraq.
Sa ngayon, nakataas ang alert level 4 sa Iraq, kung saan bawal ang pagpapadala ng mga Pilipino doon at may isinasagawa ding mandatory repatriation.