Maaantala ang pagpapauwi o repatriation ng mga labi ng halos 300 Overseas Filipino Workers (OFWs) na namatay sa Saudi Arabia.
Matatandaang inanunsyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nagtakda ang Saudi Arabian Government ng hanggang ngayong araw, July 4, 2020, ang palugid para maiuwi ang mga namatay na OFWs, dahil kung hindi ay doon na sila ililibing.
Paliwanag ni Labor Secretary Silvestre Bello III, marami pa ring nakabinbing documentary requirements kaya mauurong ang pagpapauwi sa mga ito.
Importante rin aniya na masunod ang health protocols sa pagbiyahe ng mga labi.
Sinabi ni Bello na pinalawig ng Saudi Government ang deadline hanggang sa susunod na linggo para maiuwi ang mga kababayang namatay.
Sa huling datos ng DOLE, labi ng 274 OFWs ang nakatakdang iuwi sa Pilipinas mula sa dating 301 dahil ilan sa mga namatay sa COVID-19 ay doon na inilibing.
Sa tala naman ng Department of Foreign Affairs (DFA), aabot na sa 8,627 ang kaso ng COVID-19 sa overseas Filipinos, 2,903 ang nagpapagaling, 5,163 ang nakarekober at 561 ang namatay.