Monday, March 2, 2026

Pagpapauwi sa labi ng Pinay OFW sa Israel, pinoproseso na ng pamahalaan

Inaayos na ng pamahalaan ang pagpapauwi sa labi ng Overseas Filipino Worker (OFW) caregiver na si Mary Anne de Vera na nasawi habang nagtatrabaho sa Israel, dahil sa tensyon sa Middle East.

Sa Malacañang press briefing, sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, na nakikipag-ugnayan na sila sa Israeli government para sa repatriation.

Alinsunod din sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sisiguruhin ng ahensya na mabibigyan ng agarang tulong ang pamilya ng OFW, kabilang ang financial at burial assistance.

Gayunman, inamin ng DMW na maaaring maantala ang pagpapauwi sa labi ni De Vera dahil sarado pa ang airspace ng Israel, kaya hinihintay pa ang tamang pagkakataon para maisagawa ang pag-uwi sa labi.

Sasagutin ng pamahalaan ang lahat ng gastusin sa repatriation at funeral support.

Nagpadala na rin ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ng mga tauhan sa Pangasinan para alalayan ang pamilya, habang may mga personnel ng DMW sa Tel Aviv na tumutulong sa kanyang asawa.

Nagpasalamat naman si Cacdac sa Israeli government sa pagkilala kay De Vera, na itinuring na bayani dahil sa sakripisyong ipinakita nito habang ginagampanan ang kanyang tungkulin.

Facebook Comments