Pagpapauwi sa mga labi ng dalawang Pinoy na nasawi sa pag-atake ng Hamas sa Israel, tinututukan na ng embahada ng Pilipinas sa Israel

Gumagawa na ng paraan ang embahada ng Pilipinas sa Israel, para mapauwi rito sa Pilipinas ang mga labi ng dalawang Pilipinong kasama sa mga pinatay sa pag-atake ng Hamas sa Israel.

Sa press briefing sa palasyo ng Malacañang, sinabi ni Welfare Officer Dina Ponciano na nakikipag-ugnayan na sila sa mga awtoridad sa Israel upang makuha ang mga labi ng dalawang biktima.

Ayon naman kay Philippine ambassador to Israel Pedro Laylo Jr. na naipaabot niya na sa maybahay ng biktima ang masamang balita matapos matanggap ang impormasyon kaugnay dito.


Pinakamahirap na papel aniya ito na kanilang ginagawa sa tuwing may ganitong mga hindi inaasahang pangyayari.

Nangako si Laylo sa maybahay ng biktima, na ipagkakaloob nila ang lahat ng kailangang tulong.

Sa kasalukuyan, patuloy rin gumagawa ng paraan ang embahada para mahanap ang tatlo pang Pilipinong nawawala.

Nagpapatuloy din ang pagbibigay ng tulong ng owwa at migrant workers office sa iba pang mga pilipinong inilikas sa ligtas na lugar sa Israel.

Facebook Comments