Pagpapauwi sa mga Locally Stranded Individuals sa Region 8, pansamantalang sinuspinde

Pansamantala munang ipinatigil ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang pagpapauwi sa mga Locally Stranded Individual (LSI) patungong Region 8.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni National Task Force Against COVID-19 Vice Chairman at Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na ang hakbang na ito ay bilang pagbibigay daan na matapos muna ang 14-day quarantine period sa mga nagpositibo sa COVID-19 na nananatili ngayon sa mga isolation at quarantine facilities sa Leyte.

Ayon kay Año, puno na kasi ang isolation facilities at wala nang pagdadalhan pa sa mga darating na LSIs sa mga susunod na araw.


Ayaw naman kasi ng Local Government Units (LGUs) sa Region 8 na i-home quarantine ang mga darating na LSIs sa pangambang makahawa ang mga ito sa komunidad sakaling mayroon sa mga ito ang mag positibo sa COVID-19.

Dahil dito, sinabi ni Año na ang mga LSI na narito sa Metro Manila at uuwi sa Region 8 ay iipunin muna at kapag lumipas na ang 14 na araw ay saka sila isasakay muli sa barko at pauuwiin.

Ito’y kasunod na rin ng apela ng LGUs ng Region 8 upang makontrol nila ang pagdami ng bilang ng mga aktibong kaso ng COVID-19 sa rehiyon.

Sa ngayon, sinabi ni Año na lumobo na kasi sa 431 ang COVID-19 cases sa Region 8, 232 ang aktibo rito at 218 ay nagpositibo mula sa mga umuwing LSIs.

Facebook Comments