Pagpapauwi sa mga LSI’s, Pansamantalang Itinigil ng Quezon, Isabela

Cauayan City, Isabela- Pansamantalang ipinahinto ng LGU Quezon, Isabela ang pagpapaauwi sa mga locally stranded individuals o LSI’s sa naturang bayan.

Ito ang ibinahaging impormasyon ni Mayor Jimmy Gamason sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.

Nitong Martes pa aniya nito ipinatigil ang pagpapauwi sa mga LSI’s sa ilalim ng Balik Probinsya program ng pamahalaan.


Paliwanag nito, kulang aniya ang kanilang itinalagang quarantine facilities at limited na rin ang swab at rapid test kits ng lokal na pamahalaan.

Gayunman, sinabi nito na mayroon nang ipinapagawang 20 cubicles bilang karagdagang pasilidad at kung sakaling matapos na ito ay itutuloy na ang pagpapauwi at pagtanggap sa mga LSI’s.

Sa ngayon, tanging mga returning OFW’s (ROF) muna ang kanilang tinatanggap na makauwi sa bayan ng Quezon.

Pinasalamatan ng alkalde ang lahat ng mga frontliners dahil sa pakikipagtulungan na mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Hinihimok naman nito ang mga kababayan na sumunod lamang sa safety measures at protocols upang makaiwas sa COVID-19.

Facebook Comments