Pagpapawalang-bisa sa EO 128 ni Pangulong Duterte kaugnay sa pagbaba ng taripa ng karneng baboy, ibinabala ng isang senador

Nagbabala si Senate President Vicente Sotto III na ipapawalang-bisa ng Senado ang Executive Order (EO) 128 ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagpapababa sa taripa at nagpapataas sa importasyon ng karneng baboy.

Sinabi ito ni Sotto kasabay ng hiling ng mga senador na bawiin ang nasabing kautusan.

Ayon kay Sotto, gagawin nila ito oras na magbalik-sesyon ang Kamara sa May 17.


Paliwanag pa ni Sotto, ang pagpapababa ng taripa at pagtataas ng Minimum Access Volume (MAV) sa pang-angkat ng baboy ay kapangyarihan ng Kongreso.

Pero kung walang sesyon ang Kongreso, pinapayagan sa Saligang Batas na ang Pangulo ang gumawa nito.

Sinabi naman ng senador na kung hindi mali ay posibleng kulang ang impormasyong ibinigay kay Pangulong Duterte na nagresulta sa pagpayag na ibaba ang taripa sa inaangkat na produktong baboy.

Wala kasi aniyang pangangailangan na ibaba ang taripa at itaas ang timbang sa inaangkat na baboy sa bansa dahil maraming suplay ng karne sa Visayas at Mindanao.

Sa ngayon, nilinaw ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica na hiwalay pa ang ginagawa nilang imbestigasyon sa ginagawa ring pagsisiyasat ng Department of Agriculture (DA) hinggil sa umano’y korapsiyon sa importasyon ng karne.

Mananatili kasi aniyang independent ang gagawing aksyon ng ahensiya upang mapanagot ang may mga kinalaman sa isyu.

Facebook Comments