Nilinaw ng isang Filipino diplomat na walang inilatag na kondisyon ang China nang isama nito ang Pilipinas sa mga ipaprayoridad na bansa na unang makaka-access sa dine-develop nilang bakuna laban sa COVID-19.
Ayon kay Philippine Ambassador to China Jose Santiago Sta. Romana, nagpaalala lamang ang China sa Pilipinas na ihanda ang mga cold storage facilities nito para sa napipintong pagtuklas sa bakuna.
Sinabi ni Sta. Romana, na nakatakdang i-anunsyo ng China ang kanilang mass production ng COVID-19 vaccine bago matapos ang taon.
“Hopefully, mass production and1 distribution will happen in the near future, as early as November and December in terms of production. And it will depend on our capability to receive the vaccines in terms of our facilities, in terms of distribution,” sabi ni Sta. Romana.
Paglilinaw rin ni Sta. Romana, ang cold storage facilities na ipinapaalala ng China sa Pilipinas ay layong matiyak lamang ang epektibong distribusyon ng bakuna.
“It’s just a reminder that if you get the vaccine and you don’t have cold chain storage, then it’s useless so you have to prepare,” ani Sta. Romana.
Kahit na nasa priority list ang Pilipinas, sinabi ni Sta. Romana na magiging hamon pa rin ang vaccine distribution.
Kaya kailangang maiimbak ang mga bakuna sa malamig na pasilidad para mapanatili ang bisa nito.
Sa ngayon, ang mga bakunang dine-develop ng Chinese pharmaceutical firms ay pumasok na sa phase 3 ng clinical trials at isa sa mga potensyal na bakuna ay inaprubahan na para sa emergency use para sa mga health workers at iba pang government frontliners.
Samantala, tiniyak ng Department of Budget and Management (DBM) na may sapat na pondo ang gobyerno para sa pagtatayo ng cold storage facilities para sa COVID-19 vaccines.