Ipinatupad ng lokal na pamahalaan ng San Juan ang “no parking zones” sa ilang pangunahing lansangan sa palibot ng Greenhills nitong Huwebes.
Sa ilalim ng Executive Order 4 na pinirmahan ni Mayor Francis Zamora, hindi na puwedeng pumarada mula alas-6 ng gabi hanggang alas-9 ng gabi sa kahabaan ng Club Filipino Avenue, Missouri Street, Annapolis Street, at Connecticut Street.
Kasabay nito, nagpaskil sina Zamora at mga tauhan ng San Juan Traffic ng “No Parking” sign sa ilang poste sa kalsada.
Rumonda rin ang alkalde para inspeksyunin at pangasiwaan ang pagpapatupad ng bagong polisiya.
Sa unang araw ng ordinansa, isang puting kotse ang nasampulan dahil nakaparada ito sa “no parking zone”.
Kasama ng MMDA, hinatak at inilagay sa tow truck ang sasakyan na hanggang sa kasalukuyan hindi pa kilala kung sino ay nagmamay-ari.
Giit ni Zamora, maaga pa lang nag-abiso na siya sa mga may-ari ng establisyimento ukol sa bagong kautusan.
Maliban sa ma-tow ang kotse, pagmumultahin ng P1,000 pataas ang sinumang lalabag.