
Naniniwala ang kilalang abogado na sa halip na kada taon ay panahon na raw para baguhin ang pagpasa ng National Budget at gawing anim na taon.
Ito ang panukala ni Atty. Levito Baligod dahil sa mahabang panahon ang nasasayang mula sa paghahanda ng budget proposal ng ibat-ibang ahensya hanggang sa pag-apruba ng dalawang kapulungan at mapunta sa mesa ng Pangulo.
Sabi ni Atty. Baligod, mas makatitiyak pa na matatapos ang lahat ng Priority Projects ng nakaupong presidente dahil mayroong continuity at sasabay ito sa kanyang anim na taong termino.
Ginawang halimbawa ni Baligod ang ilang mga proyekto gaya ng dredging ng laguna lake noong panahon ni dating Pangulong. Gloria Arroyo na nagastusan na ng pamahalaan pero hindi natuloy dahil sa usaping pulitika.
Masama rin raw ang karanasan ng mga Pilipino sa kamay ng nasibak na si House Appropriation Committee Chairman Zaldy Co dahil bukod sa dami ng itinagong insertion ay nagmamay-ari din ito ng Giant Construction Company na nakakuha ng 7-billion contract noong nakalipas na taon.
Sa kanyang pag-aaral, dapat umano ay isang beses lamang sa loob ng anim na taon ang pagggawa ng budget upang matapos din ng nakaupo na Pangulo ang kanyang mga proyekto.
Giit pa ni Atty. Baligod na dapat umano ay tutukan ng mga Kongresista,at isusulong ang medium plan sa National Budget upang matugunan ang mga proyekto na may kinalaman sa edukasyon, kalusugan, imprastraktura, Agrikulutura at maraming iba pa.