Pagpasa ng BARMM Districting Law, ikinasa ng BTA Parliament sa Disyembre 2025

Pinagtibay ng Bangsamoro Transition Authority Parliament ang pangako nitong maipasa ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao districting law pagdating ng Disyembre 2025, bilang bahagi ng kanilang transitional mandate sa ilalim ng Bangsamoro Organic Law.

Sa isang opisyal na pahayag mula sa Office of the Floor Leader and Spokesperson, sinabi ng BTA Parliament na tinutugunan nito ang mga tanong ng publiko tungkol sa kasalukuyang estado at susunod na hakbang sa districting process na mahalaga para sa kauna-unahang regular na parliamentary elections sa Bangsamoro.

Kinilala rin ng Parliament ang mga paghahanda ng Commission on Elections para sa naturang halalan, at binigyang-diin na kritikal ang mga ito upang matiyak ang maayos at credible na paglipat mula sa pansamantalang pamahalaang Bangsamoro tungo sa isang regular na parliamentaryong sistema.

Tinukoy rin sa pahayag ang desisyon ng Korte Suprema sa Ali et al. vs. BTA Parliament (G.R. Nos. E-02219 and E-02235) na nagpapaliwanag na ang kapangyarihang magtakda ng iskedyul para sa Bangsamoro parliamentary elections ay nasa Kongreso lamang.

Sinabi ng BTA Parliament na iginagalang nito ang ruling at umaasa sa pagdaraos ng unang regular na parliamentary polls ng rehiyon.

Bilang bahagi ng kanilang gawaing lehislatibo, inihayag ng Parliament na may anim na bersyon ng panukalang districting bill. Ang mga ito ay ipinasa na sa mga kaukulang komite para sa masusing pag-aaral, pag-angkop, at pagsasama-sama ng probisyon.

Nagsimula na rin ang public consultations para sa panukalang districting law. Ang unang konsultasyon ay ginanap sa Bongao, Tawi-Tawi noong Nobyembre 6. Nakaiskedyul ang susunod na konsultasyon sa Disyembre 4 para sa Special Geographic Area, Maguindanao del Sur, at Basilan, at sa Disyembre 7 naman sa Maguindanao del Norte, Lanao del Sur, at Cotabato City.

Binigyang-diin ng BTA Parliament na isinasagawa ang districting process nang may transparency, maingat na pagsusuri, at malawak na partisipasyon ng publiko, alinsunod sa mga hinihingi ng batas at Konstitusyon.

Kasabay ng districting measure, tinatalakay din ng Parliament ang proposed BARMM Budget Bill para sa 2026 upang matiyak ang tuloy-tuloy na paghahatid ng mahahalagang programa at serbisyo ng pamahalaan sa rehiyon.

Ayon kay Floor Leader and Spokesperson MP Atty. Jet Lim, ang pagpasa ng districting law at pag-apruba ng regional budget ay nagpapakita ng pangako ng Parliament sa responsableng pamamahala, pagpapatuloy ng serbisyo publiko, at isang inklusibong political transition para sa mga mamamayan ng Bangsamoro.

Hinimok naman ng BTA Parliament ang mga stakeholder at ang publiko na makilahok sa mga konsultasyon at magbigay ng makabuluhang mungkahi upang makatulong sa pagbuo ng makatarungan, representatibo, at legal na matibay na parliamentary districting system.

Facebook Comments