Ipinauubaya na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso ang pagpapasya kung magpapasa ng batas para palawigin ang transition period ng Bangsamoro Transition Authority (BTA).
Kasunod ito ng pulong ng pangulo sa mga opisyal ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARRM) at mga lokal na opisyal sa Mindanao na tutol sa extension.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, nagpasya ang Pangulo na maging neutral sa usapin at hayaang ang Kongreso ang magdesisyon hinggil dito.
Aniya, pinakinggan ng pangulo ang punto ng dalawang panig na kapwa mayroong punto sa isyu.
“Ang naging desisyon po ni Presidente matapos niyang pulungin nang dalawang pagkakataon ang kabilang panig ay neutral po ang ating Presidente, iniiwan po niya sa Kongreso ang desisyon kung sila ay magpapasa ng batas na papahabain pa iyong transition period para sa Bangsamoro Transition Authority,” ani Roque.
Batay sa panig ng humihirit ng extension, mahirap magkaroon ng eleksiyon dahil wala pang Omnibus Election Code sa BARMM at wala pang batas para sa re-districting.
Habang iginiit ng mga gustong mag-eleksiyon ang importansiya na magkaroon ng mandato ang lahat ng political leaders para magkaroon ng moral authority sa pamunuan.