Naniniwala ang grupong Nagkaisa Labor Coalition at ng Federation of Free Workers (FFW) na malaking tulong ang ginawang pagpasa ng mga mambabatas sa House Bill 7909 o Paid Pandemic Leave Bill of 2020 para sa mga manggagawang nawalan ng trabaho dulot ng naturang pandemya.
Ayon kay FFW President Atty. Sonny Matula, welcome sa mga manggagawa ang pag-apruba ng House Labor and Employment Committee ng batas na nagpapahintulot ng 14 hanggang 60-day paid pandemic leave para sa mga workers na mabayaran sila dahil sa pagtigil sa trabaho dulot ng pandemya.
Paliwanag ni Atty. Matula, napapanahon ang naturang panukala para mayroong pantapal sa nawawalang kita ng mga manggagawa na hindi nakapagtrabaho.
Nilinaw rin ni Atty. Matula na ang gobyerno ang magre-reimburse ng ibinayad ng employer na mula sa available funds ng Department of Labor and Employment (DOLE), Social Security System (SSS), at generated savings.
Hinikayat din ng grupong Nagkaisa Labor Coalition at Federation of Free Workers ang Senado na magpasa ng kahalintulad na batas sa lalong madaling panahon para sa kapakanan ng mga manggagawang nawalan ng trabaho dulot ng pandemya.