Manila, Philippines – Haharangin ng Bayan Muna sa Kamara ang plano ng Maynilad at Manila Water na ipasa sa mga consumers ang multang ipinataw sa kanila ng Korte Suprema dahil sa paglabag sa Philippine Clean Water Act.
Ayon kay House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Representative Carlos Zarate, nakaambang na magpataw ang Manila Water ng 780% sa singil sa tubig sa kanilang mga customers dahil sa desisyon ng Korte Suprema.
Pero iginiit ng mambabatas na hindi ito kasalanan ng mga customers dahil ang mga water concessionaires naman ang nakalabag sa batas.
Bukod dito, may kinokolekta din ang dalawang water concessionaires sa bill ng mga customers para sa maayos na sewerage system na hindi nila tinutupad.
Sinabi naman ni Bayan Muna Chairman Neri Colmenares na gagawin nila ang lahat ng paraan para maharang ang balak na pagpapasa ng multa sa publiko at pagpapanagot sa dalawang water concessionaires sa paglabag sa environmental laws.