Inatasan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Police Brig. Gen. Vicente Danao Jr., ang mga kaibigan ni Christine Dacera na magpasa ng pormal na pahayag sa kanilang tanggapan bilang tulong sa isinasagawang imbestigasyon.
Ayon kay Danao, mas mabuting maglabas ng black and white na pahayag ang mga ito upang malaman ng pulisya ang kanilang panig.
Posible pa rin kasi aniyang sampahan ang mga akusado ng kaso tulad ng Obstruction of Justice lalo’t batid ng mga ito ang nangyari sa insidente.
Kasabay nito, muling iginiit ng mga kaibigan ni Dacera ang kanilang pagiging inosente sa nangyari.
Paliwanag ni Clark Rapinan na isa sa mga kaibigan ni Dacera, humihinga pa ang dalaga dakong alas-diyes ng umaga noong Bagong Taon, pero nangingitim na ang labi nito, at alas-dose na ng tanghali ng mawalan ito ng pulso.
Habang nilinaw rin nito na magsasabi naman sa kanila ang dalaga kung siya ay na-rape.
Sa ngayon, nanawagan na ang abogado ng ilan sa mga suspek na si Atty. Mike Santiago na i-atras muna ang patong sa ulo ng mga akusado dahil naaapektuhan ang seguridad ng mga ito.
Matatandaang binawi na ng ACT-CIS Partylist ang ibibigay sanang pabuya na nagkakahalaga ng P100,000 sa makapagtuturo sa ‘persons of interest’ kaugnay sa kaso ng nasawing flight attendant.