Suportado ni Vice President Leni Robredo ang pagpasa sa ₱1.3 Trillion na Accelerated Recovery and Investments Stimulus for the Economy o ARISE Bill na makakatulong sa pagbangon ng ekonomiya sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Robredo, malaki ang maitutulong ng ARISE Bill dahil ang ₱688 billion ay inilaan para matugunan ang economic impact ng COVID-19 at ang ₱650 billion ay para sa susunod na tatlong taon para sa Build Build Build Program na layong makalikha ng 1.5 million na trabaho.
Inaasahan ding matutulungan ng panukalang batas ang 15.7 million na manggagawa, magkaroon ng tatlong milyong short-term jobs, at matulungan ang 5.57 million Micro, Small at Medium Enterprises (MSMEs).
Magbibigay ito ng wage subsidies, cash aid at training para sa displaced workers, educational subsidy sa mga estudyante.
Dagdag pa ni Robredo, na ‘inclusive’ at ‘pro-poor’ ang ARISE Bill kaya ipinapanawagan niya na maipasa ito sa lalong madaling panahon.
Iminungkahi rin niya ang pagbibigay ng tax incentives para sa mga pribadong kumpanya na naapektuhan ng pandemya.
Bukod dito, iginiit din ng Bise Presidente na magkaroon ng risk assessment sa mga industriya na gagawin ng mga eksperto mula sa pampubliko at pribadong sektor dahil mahalaga ito sa pagbuo ng mga susunod na polisiya.