Pagpasa sa Bayanihan 2, pangunahin sa mga prayoridad ng Senado sa muling pagbubukas ng session

Binuksan na ang Senado ang 2nd regular session ng 18th Congress at ayon kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III, layunin nila na makapagpasa ng mga batas na makakatulong sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.

Sabi ni Sotto, pangunahin dito ang Bayanihan to Recover as One Act o ang Bayanihan 2 na nakalusot na sa second reading ng Senado.

Umaasa si Sotto na oras na makapasa na rin ito sa Kamara ay mapaplantsa agad sa Bicameral Conference Committee ang anumang pagkakaiba ng kanilang mga bersyon lalo na sa halaga ng pondo na dito ay nakapaloob.


Kasama rin sa mga priority legislation ng Senado ang pagpasa sa repackaged Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act (CREATE), na dating tinatawag na Corporate Income Tax and Incentives Rationalization Act (CITIRA).

Layunin nito na matulungan ang mga negosyo, lalo na ang Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) na labis na naapektuhan ng pandemya.

Pagtutunan din ng Senado ang iba pang panukala na naglalayong mapahusay ang kasalukuyang sistema ng gobyerno at mapalakas ang labor sector.

Kabilang dito ang Medical Scholarship Act, Presidential Drug Enforcement Authority Act, Hybrid Election Act, Anti-False Content Act at 14th-Month Pay law.

Facebook Comments