Pagpasa sa Journalist Protection Bill, pinamamadali ni Senator De Lima

Mariing kinondena ni Senator Leila de Lima ang pagpaslang sa radio anchor na si Orlando Dinoy sa loob mismo ng bahay nito sa Bansalan town, Davao del Sur.

Ayon kay De Lima, base sa record ng National Union of Journalists of the Philippines, si Dinoy ay ika-21 ng mamamahayag na napaslang simula noong 2016.

Bunsod nito ay umaasa si De Lima na ang naturang insidente ay magtutulak sa mga kasamahang mambabatas na agad ipasa ang inihain niyang Senate Bill No. 1523 ang panukalang “Journalist Protection Act of 2020.”


Binanggit din ni De Lima ang Global Impunity Index 2021 na inilabas nitong Oktubre ng Committee to Protect Journalists kung saan nasa ika-7 pwesto ang Pilipinas sa pinakadelikadong lugar sa mundo para sa mga mamamahayag.

Pangunahang itinatakda ng panukala ni De Lima ang pagbibigay ng dagdag na insurance coverage at hazard pay sa mga mamamahayag at iba pang kawani na nasa field assignments.

Giit ni De Lima, mahalagang maproteksyunan ang mga mamamahayag na naglalagay sa panganib ng kanilang buhay para mabigyan ang publiko ng mahalaga at updated na mga balita.

Facebook Comments