Pagpasa sa panukalang Magna Carta for informal workers, tiniyak ng Kamara

Sinimulan ng talakayin ng Committee on Labor and Employment na pinamumunuan ni Rizal 4th District Rep. Fidel Nograles ang 11 mga panukalang batas na nagsusulong ng Magna Carta of Workers in the Informal Economy.

Giit ni Nograles, panahon na para magkaroon ng Magna Carta para sa informal workers na tumaas sa 17-milyon ang bilang dahil sa pandemya.

Halimbawa nito ang mga ambulant vendors, maliliit na transport workers, construction workers, mga miyembro ng pamilya na tumutulong sa maliit na negosyo pero walang regular na sweldo at mga magsasaka.


Binanggit ni Nograles na dahil wala silang mga pormal na dokumento para patunayan na sila’y empleyado, at walang mga benepisyong natatanggap ang mga informal workers, at hirap din silang hingin ang tulong ng pamahalaan kung sila’y naaabuso.

Ipinaliwanag ni Nograles na kung maipapasa ang Magna Carta, ay masasaklaw ang mga informal workers sa mga social protection programs at mabibigyan ng mga benepisyo kagaya ng maternity benefits.

Dagdag pa ni Nograles, ginagarantiyahan din nito na hindi basta-basta mapapalayas ang mga informal workers sa mga lugar na pinagtatrabahuhan nila.

Facebook Comments