Umapela sila Senators Manny Pacquiao at Christopher Bong Go sa mga kapwa mambabatas na madaliin ang pagpasa sa panukalang magtatatag ng Department of Overseas Filipino Workers.
Diin ni Pacquiao ang pagkasawi ng dalawang Pinoy na naaksidente sa Singapore at isang Pinay na pinatay naman sa Kuwait ay patunay ng kahalagahan na magkaroon ng sariling departamento ang mga OFWs.
Ayon kay Pacquiao, daan ang nabanggit na ahensya para higit na matiyak na maayos ang kondisyon ng mga mangagawang pinoy sa abroad at para mabilis ding matugunan ang kanilang pangangailangan.
Hinggil dito ay plano din ni pacquiao na bigyan ng tig-100,000 pesos ang pamilya ng nabanggit na mga OFWs.
Ipinunto naman ni Senator Go na kailangang magkaroon ng Deprtment of OFWs sa harap ng lumalalang tensyon ngayon sa Iraq at ilang bahagi ng Middle East dahil sa girian ng Iran at America.
Pakiusap ni Go sa mga mambabatas, huwag nang hintayin na magkaroon ng mas malalang krisis gaya ng nangyayari sa Iraq at pagpatay sa pinay worker na si Jeanelyn Villavende sa Kuwait bago kumilos.
Paliwanag ni Go, mas mabuting mayroong iisang nakatutok sa kapakanan ng mga OFW, hindi tulad ngayon na may DOLE Secretary, DFA Secretary bukod sa pagpapadala pa sa Middle East kay DENR Secretary Roy Cimatu dahil sa karanasan nito sa crisis management.