Pagpasa sa panukalang pagbuo Sierra Madre Development Authority, pinamamadali ni Representative Fidel Nograles

Nanawagan si House Committee on Labor chairman at Rizal 4th District Rep. Fidel Nograles, sa mga kapwa mambabatas na agad ipasa ang inihain niyang House Bill No. 1972 o panukalang pagbuo ng “Sierra Madre Development Authority” o SMDA.

Pahayag ito ni Nograles, kasabay ng paggunita sa “Save Sierra Madre Day” at kasunod ng pananalasa ng Super Typhoon Karding kung saan nakatulong ang Sierra Madre na maibsan ang matinding pinsalang dulot nito.

Bukod sa pagsalag sa hagupit ng mga kalamidad tulad ng bagyo, ang 540-kilometrong mountain range na Sierra Madre ay may mahalagang papel din sa suplay ng tubig sa Metro Manila at sa mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Nueva Ecija, Quirino, Aurora, Quezon, Rizal, Laguna, at Bulacan.


Diin ni Nograles, ang kahalagahan ng Sierra Madre ay patunay na napapanahong maisabatas ang panukalang gagawa ng isang “government body” para sa pangangalaga at pamamahala dito.

Base sa panukala ni Nograles, pangungunahan ng SMDA ang anti-illegal logging at reforestation campaign ng pamahalaan gayundin ang pagpigil sa ilegal na pagtatayo ng mga imprastraktura at pagpapaunlad sa “indigenous resources” sa lugar, kasama ang pagbibigay-kaalaman sa publiko ukol sa importansya ng Sierra Mountain.

Inaatasan din ng panukala ni Nograles, ang paglalatag ng komprehensibong plano, programa, at pagpopondo para sa kailangang infrastructure projects gaya ng “river, flood, and tidal control work, wastewater and sewerage work, dams and water supply, roads, irrigation, housing” at iba pa na makakatulong sa pag-iingat at pagpapabuti sa kondisyon ng Sierra Madre.

Facebook Comments