Nananawagan si Committee on Public Services Chairperson Senator Grace Poe sa gobyerno na payagang makapasada muli ang mga pampasaherong jeep na madedeterminang roadworthy o ligtas ibyahe.
Ayon kay Poe, isang taon na simula ng ipatupad ang lockdown dahil sa pandemya at maraming mga tsuper ng pampasaherong jeep ang kailangan nang pumasada dahil hirap na sila bunga ng kawalan ng kita.
Giit ni Poe, ang mga pampasaherong jeep ay ka-partner sa pagbangon ng ekonomiya.
Paliwanag pa ni Poe, mahalaga para sa publiko ang muling pagbalik ng mga jeep na maituturing na “king of the road” para sila ay makabyahe o mas makakilos at maging produktibo.
Katwiran pa ni Poe, kung susunod ng mahigpit sa health protocols laban sa COVID-19 ang mga pampasaherong jeep at matutukoy na roadworthy ay walang dahilan para pigilan pa ang pagpasada ng mga ito.