Pag-aaralan ng House Committee on Labor and Employment ang mga mungkahi na balikatin ng gobyerno ang isinusulong na umento sa sahod ng mga manggagawa sa pribadog sektor.
Ayon sa chairman ng komite na si Rizal 4th District Rep. Fidel Nograles, kukunin nila ang panig ng economic managers kung kakayanin ng gobyerno ang “wage subsidy.”
Pahayag ito ni Nograles sa harap ng mga mungkahi mula sa iba’t ibang sektor na i-subsidize ng pamahalaan ang wage increase para hindi ito masyadong maging mabigat sa mga kompanya o hanay ng negosyo.
Sa pagdinig na isinagawa ng komite ni Nograles ay idinaing din ng grupo ng mga employers na ang panukalang pagsasabatas ng pagtaas sa sahod ay maaring magresulta sa pagkawala ng mga trabaho at lalong pagtaas sa presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Sinabi naman ni Nograles na bukod sa wage subsidy ay humahanap pa sila ng mga hakbang na makatutulong upang magkaroon ng win-win situation para sa lahat.