Pagpaskil ng mga SAP beneficiaries sa barangay hall, ipinag-utos ng DILG sa mga barangay captain

Inobliga na ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga kapitan ng barangay na ipaskil ang listahan ng target beneficiaries sa kanilang barangay para matiyak ang transparency sa pamamahagi ng tulong pinansiyal sa ilalim Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, mahalaga na maipakita ang listahan sa publiko upang maitaguyod ang pagiging tapat at maayos na pamamahala sa pondo ng SAP.

Paliwanag ni Año sa pamamagitan nito malalaman ng mga residente kung mabibigyan  sila ng tulong pinansiyal mula sa pamahalaan.


Intensyon din ng DILG na masiguro na kompleto at tama ang listahan ng mga barangay.

Giit ng Kalihim kung mayroon mang kulang o mali sa listahan, maaaring aksyunan ito ng City o Municipal Government o ipagbigay-alam sa DSWD.

Una nang nagbigay ng assurance ang DSWD na maaari pang humiling ang LGUs ng karagdagang pondo para mabigyan din ang mga hindi naisama sa unang tranche ng SAP financial assistance.

Naglabas ng kautusan si Año kasunod ng ulat mula sa mga field offices tungkol sa kawalan ng transparency sa distribution ng SAC Forms at tulong sa mga target beneficiaries.

Kabilang sa mga lugar na maaaring i-paskil ang listahan ay barangay hall, city/municipal hall, social center, gymnasium, auditorium, transport terminal, public market, health center, hospital, at iba pang public places.

Facebook Comments