Manila, Philippines – Hindi pa maituturing ng Philippine National Police (PNP) na election-related incident ang nangyaring pamamaslang kay Ako Bicol Rep. Rodel batocabe.
Ayon kay PNP Chief Director General Oscar Albayalde – bukod sa pulitika, marami pa silang tinitingnang anggulo sa krimen gaya ng umano ay hindi naibigay na revolutionary tax ni Batocabe.
Inaalam pa rin nila ang ulat na inalisan ng police escort ang kongresista ilang araw bago siya pinaslang.
Sabi ni Albayalde – inatasan na niya ang Criminal Iinvestigation and Detection Group (CIDG) na magkaroon ng imbestigasyon at mag-report sa kanya sa lalong madaling panahon.
Samantala, itinanggi ni PNP Region 5 Director C/ Supt. Arnel Escobal na tinanggalan nila ng police escort si Batocabe.
Batay aniya sa pakikipag-ugnayan nila sa police and security protection group, isa lang talaga ang police escort ni Batocabe, si SPO1 Orlando Diaz na kasama ring napatay ng kongresista noong Sabado.
Giit pa ni Escobal, hindi nakipag-ugnayan sa pulisya si Batocabe nang dumalo siya sa gift-giving sa Daraga, Albay kaya hindi nakapaglatag ng seguridad.