Naghain na ang Makabayan bloc sa Kamara para paimbestigahan ang pagkakapatay sa 14 na magsasaka mula sa tatlong magkakahiwalay na lugar sa Negros Oriental bilang bahagi ng counter-insurgency operations ng Philippine National Police (PNP).
Tatlong magkakahiwalay na resolusyon ang inihain kung saan inaatasan ang House Committee on Human Rights na siyasatin ang anila ay karumal-dumal na pagpatay sa mga magsasaka na iniuugnay sa New People’s Army (NPA).
Paliwanag ng Makabayan, resulta ito ng inilabas na Memorandum Order number 32 ni Pangulong Rodrigo Duterte na nag-uutos sa Armed Forces of the Philipines (AFP) at PNP na i-operate at hulihin ang mga pinaghihinalaang rebelde, aktibista at maging mga miyembro umano ng party-list groups.
Dahil dito ay ipinapabasura ng mga kongresista ang “Oplan Sauron” na ginagamit umano para sa political persecution mula pa noong nakaraang taon.
Nangangalap na rin sila ng mga testimonya mula sa kaanak ng mga napatay na magsasaka para sa case build up laban sa pulisya.