Posibleng walang kinalaman sa trabaho bilang mamamahayag ang motibo ng pagpasalang sa correspondent ng Manila Standard na si Jesus “Jess” Malabanan.
Miyerkules, December 8, nang barilin sa ulo ng hindi pa nakikilalang suspek si Malabanan sa loob ng tindahan nito sa kaniyang hometown sa Calbayog City, Samar.
Ayon sa kaniyang mga kasamahan, wala namang binabanatan sa trabaho si Malabanan kaya wala silang alam na kaaway ng biktima.
Dahil dito, isa sa anggulong tinitingnan ngayon ng Presidential Task Force on Media Security ay ang posibilidad na may kinalaman sa negosyo ang nasabing pagpaslang.
Sabi ni Media Security Executive Director Joel Egco, kung may kaaway man si Malabanan sa Pampanga kung saan siya nagtatrabaho bilang journalist ay hindi na mag-aaksaya ng panahon ang suspek na sundan siya sa Samar para doon patayin.
“Nagplano na pala siya na mag-stay for good sa Samar, sabi niya meron siyang bukirin doon at pagkakaalam ko meron siyang parang liverstock, piggery. At noong Sabado, silang mag-asawa ay umuwi, kung hindi ako nagkakamali, may sisingilin. So, mukhang maganda ang kanyang business doon sa Samar, mula nung nag-pandemic, lagi na siya doon e, umuuwi,” ani Egco sa interview ng RMN Manila.
“So, doon tayo magsesentro, iikot doon ngayon an gating imbestigasyon doon. May mga bits and pieces of information na tayong natatanggap patungkol sa iba’t ibang bagay outside his work as a journalist pero hindi ko pa pwede sabihin kasi baka mabulabog,” dagdag niya.
Samantala, kahapon ay bumuo na rin ng Special Investigation Task Group ang Philippine National Police (PNP) na tututok sa kaso.
Ito na ang ikatlong kaso ng pagpaslang sa mga mamamahayag ngayong taon.