Ini-refer ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senator Pia Cayetano ang tungkol sa dalawang mamahaling sasakyan na Bugatti Chiron na nakapasok at nakalusot sa Bureau of Customs (BOC).
Ang Bugatti Chiron ay nagkakahalaga ng $3 million ang bawat isa at nasa 60 lang na units nito ang makikita sa buong mundo.
Sa privilege speech ni Senator Raffy Tulfo, tinukoy niya ang isang blue Bugatti Chiron na may plate number NIM 5448 at isang red Bugatti Chiron na may plate number NIM 5450 na parehong pagmamay-ari ng mga dayuhan.
Ayon kay Tulfo, nakapasok ang dalawang mamahaling sasakyan nang walang record sa BOC pero ito naman ay napagalamang nakarehistro sa Land Transportation Office (LTO).
Itinatanggi ng Customs na may record sila ng mga sasakyan pero batay sa mga dokumentong nasilip sa LTO ay mayroong kambal na certificate of payment ang dalawang sasakyan na aabot sa P24.7 million ang bawat isa na pirmado ng customs collector na si Harold Agama at ng examiner na si Rosario de Leon.
Dahil dito, ipinag-utos ni Zubiri na i-refer na ito sa Blue Ribbon Committee at ipatawag ang mga ahensya at ang mga indibidwal na sangkot sa iligal na pagpasok ng mga sasakyan.