Pagpasok ng mga foreign workers sa bansa, pinag-aaralan pa ng pamahalaan

Wala pang desisyon ang gobyerno sa ngayon kung papayagan nito ang pagpasok sa bansa ng mga foreign worker sa kabila ng mga ipinatutupad na flight restrictions dahil sa COVID-19 pandemic.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, bumuo na ng sub-technical working group ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) upang pag-aralan ang apela ng isang foreign embassy na payagan na ang mga mamamayan nito na mayroong work permits na makapasok at makapagtrabahong muli sa bansa.

Sinabi ni Roque, maliban sa request ng hindi na tinukoy na embahada na papasukin ang kanilang mga nationals na merong work permit, inihirit din na maisama na makapasok ng bansa ang mga kinakailangang consultants para sa flagship projects pero ito ay masusi pang pinag-aaralan ng sub-technical working group ng IATF.


Sa ngayon, tanging ang mga banyagang mayroong permanent residence sa bansa tulad ng mga retiree at special investors, maging ang mga returning Filipino migrant workers, Filipino citizens ang kanilang mga asawa at dependents, permanent residents at foreign diplomats ang pinapayagang makapasok ng bansa.

Sa kabilang banda, ang mga foreigner ay maaaring umalis ng bansa anumang oras nila naisin pero ang mga Pilipino ay papayagan lamang makaalis ng bansa kung sila ay OFWs na may existing contracts, permanent residents o holder ng student visa sa bansa na kanilang pupuntahan.

Facebook Comments