Inalis na ni Agriculture Secretary William Dar ang temporary ban sa importasyon ng mga karneng manok mula Brazil.
Simula sa araw na ito ay papayagan na muli ng pamahalaan ng Pilipinas ang pag-aangkat ng mga poultry products mula sa Brazil.
Nakasaad sa Memorandum Order No. 42, na matapos makasunod sa mga safety health standards ang Brazil government kontra COVID-19 ay maaari nang makapasok sa Pilipinas ang mga imported na karneng manok.
Una ng nagpatupad ng import ban ang Pilipinas sa mga karneng manok matapos ang ulat na umano’y kontaminado ng COVID-19 ang mga ito at maaaring maisalin sa katawan ng tao kapag nakain.
Ngunit, naglagay ng mga kondisyon ang Kalihim sa mga papayagang imported na manok kung saan dapat ang mga ipapasok sa Pilipinas ay dumaan sa mga pagsusuri at negatibo sa COVID-19.
Dapat ding mayroong veterinary certificate ang mga karne ng manok, may mga safety handling at mga accredited import companies lamang ang magpapasok nito sa bansa.