Muling inihayag ng Bureau of Immigration (BI) na hindi pa rin papayagang makapasok sa Pilipinas ang mga turista kahit wala na ang travel ban sa mga bansang may kaso ng bagong variant ng COVID-19.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, nililimitahan pa rin nila ang pagpasok ng mga foreign nationals sa bansa alinsunod na rin sa patakaran ng Inter Agency Task Force (IATF).
Ito ay kahit pa hindi na pinalawig ng pamahalaan ang travel ban sa 36 bansa.
Ang mga foreign nationals ay kinakailangang mayroong visa sa pagpasok ng Pilipinas maliban na lamang sa kwalipikadong balik-bayan sa ilalim ng Republic Act No. 6768.
Kinakailangan naman na magpresenta ng pre-booked accommodation ang mga ito sa hindi baba sa pitong gabi sa mga accredited quarantine facility.
Kasabay nito, iginiit ni Morente na hindi pa rin maaaring makapasok ng pilipinas ang mga banyaga bilang bahagi na rin ng pag-iingat kontra sa bagong variant ng COVID-19.