Dapat munang aprubahan ng mga provincial government ang pagpasok ng mga provincial bus sa kani-kanilang teritoryo.
Ito ang pahayag ni League of Provinces of the Philippines (LPP) President at Marinduque Governor Presbitero Velasco Jr. matapos na payagan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagbabalik-operasyon ng mas maraming biyahe ng mga bus sa probinsya.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Velasco na bawat probinsya ay may kanya-kanyang local protocols dahil iba-iba rin ang sitwasyon sa kani-kanilang lugar.
Aniya, kung hindi naman mabigat ang epekto ng COVID-19 pandemic sa ibang lalawigan ay posibleng payagan ang pagpasok ng mga provincial bus.
“Ang mangyayari po niyan ay kanya-kanya po silang pagdesisyon dahil iba-iba po ang mga nangyayari sa iba’t ibang teritoryo ng mga province. Katulad po sa Marinduque, nagkaroon kami ng travel ban simula noong December 18 hanggang January 2, 2021 kaya hindi po makakapasok yung provincial buses po sa amin. Inaprubahan nap o yun ng IATF,” paliwanag ni Velasco.
Samantala, ayon kay Alex Yague, Executive Director ng Provincial Bus Operations Association of the Philippines (PBOAP), handa silang sumunod sa anumang protocol na ipatutupad ng LTFRB, LGU at ng IATF.
Aniya, magiging terminal to terminal lamang ang kanilang biyahe.
Pero sa ngayon, ayon kay Yague, hinihintay pa nila ang Memorandum Circular mula sa LTFRB bago sila magbalik-kalsada.
“Sa ngayon, konti pa lang na mga rehiyon at mga bayan ang nagbigay ng pahintulot namakabiyahe an mga provincial buses,” ani Yague sa interview ng RMN Manila.