Pagpasok sa Malacañan ng pamilya ni murder-rape convict Antonio Sanchez kahit walang appointment, paiimbestigahan  

Nais paimbestigahan ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo kung paano nakapasok ng Malacañan ang mga kaanak ni rape-murder convict na si dating Calauan Mayor Antonio Sanchez.

Ayon kay Panelo, dapat imbestigahan ng Presidential Security Group (PSG) kung paano nakapasok ng Palasyo ang mga kaanak ng dating alkalde nitong Pebrero kahit walang appointment.

Batay sa logbook ng Malacañang, nakasaad na nagtungo ang asawa ni Sanchez na si Elvira at anak nitong si Marie Antonelvie, sa new executive building, kung nasaan ang opisina ni Panelo noong nakaraang Pebrero 7, 21 at 26.


Iginiit ni Panelo, hindi nila inasahan ng kaniyang mga tauhan na pupunta sa opisina ang mga kaanak ni Sanchez.

Pinahihigpitan ang PSG sa pagtanggap ng bisita kasunod ng insidente.

Matatandaang umani ng mga puna ang ginawang pag-refer ni Panelo sa Board of Pardons and Parole kaugnay sa hiling ng mga kaanak ni Sanchez na mabigyan ng Executive Clemency ang dating alkalde.

Facebook Comments